Wednesday, March 23, 2005
Stations of the Cross
Apologies to the Non-Catholics or to people who are not into religious stuff. Please approach this work not as an evangelization tool, but as a literary work.
Pakinggan mo si Kristo
I. Sinakdal si Kristo
may tunog ang paratang
tibok sa bawat hakbang
bitay na dahang tangan
masakit kung pakinggan.
II. Pinasan Niya ang Krus
bulong nitong pagtanggap
sa krus inaaapuhap
tikom na labi'y agap
dito sa ambang hirap.
III. Unang Pagkarapa
sa unang bagsak ay kulog
kanino man kang lingkod
pasakit 'to sa tuhod
pasang mundo sa likod.
IV. Paglapit ni Maria
nguni mas may ulinig
sigaw ng tagong hapis
na 'di mapantig-pantig
ng inang nagtitiis.
V. Pagtulong ni Simon
ang bigla't kusang-loob
anak ng 'buting layon
walang ingay-daluyong
liban sa pagsang-ayon.
VI. Pagpunas ni Veronica
panaghoy ba ng pawis
mapunasan mang pilit
ito ba'y tatahimik
o manatiling sakit?
VII. Ikalawang Pagkarapa
madapa ka ngang minsan
halupasay nang tunay
mag-ulit pa nga kaya
dagundong sa pagdapa.
VIII. Paglapit ng mga Kababaihan
iyak na ulit-ulit
malupit na hagupit
lagitik ng hinagpis
alaalang mahigpit.
IX. Huling Pagkarapa
sala'y aalingawngaw
tono ng pagbagsalimbay
ipit sa paghandusay
sugatan mong katawan.
X. Pagtanggal ng Kanyang Damit
hapdi ng biglang punit
dugo'y s'yang hinahasik
mahubda'y di panagip
nguni kailangang dalit.
XI. Pagpako kay Kristo
katok siya sa simula
pako ang panukala
bigat ng bawat sala
lagapak huling dala.
XII. Pagkamatay ni Kristo
hatid ng huling hapo
hingasing ng dibdib mo
sa buong sansinukob
huling alak na handog.
XIII. Pagbababa sa Krus
templong pinatahimik
pagbaba'y may habilin
lakas na laging kipkip
'di man lamang inangkin.
XIV. Paglilibing
Ugong ng nitsong bato
pananda ng pagsuyo
sa huling sakripisyo
pinatawad ang tao.
- Jardine Davies.
1 Comments:
Dilat, mata ni Pedro
Damit, ladlad sa nitso
Anghel, "Sinong hanap n'yo?"
"Buhay! Buhay si Kristo!"